1 patay, 3 sugatan sa sagupaan ng pulis at mga rebelde sa Isabela

Darlene Gemino Ballad, ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2019 09:58 PM

Nasawi si Pat. Henry Gayaman matapos makasagupa ng kaniyang tropa ang mga rebeldeng mula sa New People's Army sa Isabela. Darlene Gemino Ballad, ABS-CBN News

SAN GUILLERMO, Isabela – Isa ang patay habang tatlo naman ang sugatan sa bakbakang naganap sa pagitan ng mga pulis at mga rebeldeng mula sa New People’s Army sa bulubunduking bahagi ng Barangay Burgos, Martes ng umaga.

Nakilala ang nasawi sa sagupaan na si Patrolman Henry Gayaman. Sugatan naman ang mga kasamahan nitong sina Corporal Edieboy Vinasoy, Stephen Olosan, at Alfred Pondemira, kapwa may ranggong Patrolman.

Ang apat ay mula sa tropa ng 205th Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 2 (RMFB 2).

“Meron tayong sighted na armed men sa area kaya nag-conduct ng combat operation at yun, habang naglalakad ng madaling araw, nagkaroon ng meeting engagement at nagkabulagaan at may natamaan na apat na pulis,” ayon kay Lt. Col Mario Malana, commanding officer ng RMFB 2.

Magsasagawa rin sana ng clearing operation ang mga pulis para sa ikakasang outreach program sa lugar. Hindi naman matukoy kung ilan ang tinamaan sa grupo ng mga rebelde. 

Ayon sa awtoridad, kabilang sa central front committee ang mga nakasagupang rebelde na kumikilos sa mga bayan ng Jones, Echague, San Agustin, San Guillermo, at Angadanan sa Isabela.

Nananawagan naman ang pamilya ni Gayaman sa mga rebelde na sumuko na para hindi na madagdagan pa ang masasaktang pamilya.

Taong 2016 nang pumasok sa Philippine National Police si Gayaman. Bunso sa 11 magkakapatid, bata pa lang ay pangarap na raw niyang maging pulis kaya sinuportahan siya ng pamilya.

Nangako naman ng tulong pinansiyal ang pamunuan ng PNP Region 2 sa pamilya Gayaman at sa mga sugatan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.