Pulis sugatan sa ambush sa Palo, Leyte

Jenette Fariola-Ruedas, ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2018 05:13 PM | Updated as of Oct 23 2018 05:41 PM

Tinambangan ang sasakyan ng isang pulis nitong Martes ng umaga. ABS-CBN News

PALO, Leyte - Sugatan ang isang pulis matapos tambangan ang sinasakyan nito sa bayang ito pasado alas-7 Martes ng umaga. 

Nakilala ang biktima bilang si Senior Insp. Joveil Young, dating pinuno ng Drug Enforcement Unit ng Ormoc City na naka-assign ngayon sa police regional office sa Eastern Visayas.

Sa inisyal na imbestigasyon, papaalis na sana ng bahay si Young kasama ang anak nito nang pagbabarilin ang sasakyan nito ng hindi pa nakikilalang mga salarin.

Ginagamot pa rin si Young sa isang ospital sa Tacloban City. Ligtas naman ang kaniyang anak na masuwerteng hindi natamaan ng bala.

Inaalam pa ang maaring dahilan ng pananambang.