Napaslang na dating alkalde sa Samar, inilibing na

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2018 03:37 AM

Sharon Evite, ABS-CBN News

SAMAR - Inihatid na sa kaniyang huling hantungan ang napatay na dating alkalde ng San Jose de Buan, Samar na si Ananias Rebato.

Bago ang libing, isang misa muna ang idinaos ng mga kaanak at taga-suporta ng yumaong alkalde.

Hiling ng pamilya Rebato, mapanagot ang mga tao sa likod ng pagkamatay ng biktima.

Bago pa man barilin si Rebato, plano na nitong tumakbong bise alkalde sa susunod na halalan.

Humalili sa pagtakbo ng biktima ay ang kaniyang asawa na si Melania.

Pinagbabaril si Rebato habang dumadalo sa isang pista sa Barangay Babaclayon noong Oktubre 8. 

Napatay sa insidente ang pamangkin na bodyguard ni Rebato. Namatay rin ang hindi nakilalang salarin.

Pumanaw naman matapos ang ilang araw si Rebato sa Eastern Visayas Regional Medical Center sa Tacloban City. 

Inako naman ng nagpakilalang Arnulfo Ortiz Command ng New People's Army ang krimen. 

Ayon sa kanila, paniningil sa mga naging kasalanan ni Rebato ang kanilang ginawa. - ulat ni Sharon Evite, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.