Mga nahuling nag-iimbak ng bigas sa Iligan, kinasuhan

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2018 05:10 PM | Updated as of Oct 23 2018 05:38 PM

ILIGAN CITY - Sinampahan ng kasong hoarding ang isang negosyanteng Pilipino at mga Tsinong nahuli na nag-iimbak ng higit 20,000 sako ng bigas sa lungsod.

Kinasuhan ng National Bureau of Investigation ang Pilipinong si Sonia Payan at mga Tsinong Lu Zi Yong, Yang Jianzhu, Johnny Tan, at Raul Chenfoo ng paglabag sa Price Act.

Ipapatawag naman ulit ng National Food Authority ang mga sangkot sa nag-iimbak para sa isa pang pagkakataong makapagpresenta ng kanilang mga dokumentong magpapatunay na legal ang kanilang negosyo. 

Itinakda sa Oktubre 29 ang isang hearing, ayon kay NFA manager Sambitory Dimaporo.

Inaalam din ng Bureau of Customs kung tunay ang ipinakitang dokumento ng suspek na si Tan na napanalunan niya sa auction ang suplay ng bigas mula sa BOC-Zamboanga. 

Patunay raw ito na kabilang ang mga bigas sa nawawalang suplay mula sa warehouse ng Zamboanga. Pero ayon sa Customs, hindi nag-auction ng bigas ang kanilang ahensya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.