ALAMIN: Pagkakaiba ng hatol ng 2 korte sa Trillanes cases

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2018 08:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hati ang naging hatol ng Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 148 noong Lunes sa kasong kudeta ni Senador Antonio Trillanes IV kaugnay ng 2003 Oakwood mutiny.

Hindi kasi naglabas ng arrest warrant ang korte dahil base sa ebidensiya, nag-apply ng amnestiya si Trillanes at umamin sa kaniyang mga kasalanan. 

Ngunit sa kabilang banda, legal at valid naman daw ang Presidential Proclamation No. 572 dahil wala umano itong nilabag na probisyon sa Saligang Batas o anumang karapatan ni Trillanes.

Pero kung mali ang basehan ng paglabas ng proklamasyon, bakit legal at valid pa rin ito?

Paliwanag ng korte, may kapangyarihan ang pangulo na baguhin ang isang desisyon ng isang opisina ng ehekutibo, gaya ng Department of National Defense, kung sa tingin nito ay mali ang naging unang pasya ng ahensiya.

Kaya nga lang, nang silipin ni Judge Andres Soriano ang ebidensiya, tila "na-maling akala" ang gobyerno dahil ilan pa nga sa mga testigo ng Department of Justice (DOJ) ang nagpatunay na nag-apply nga ng amnestiya si Trillanes.

Dahil matagal na ring tapos ang kaso, hindi na umano ito puwedeng buksang muli, ayon sa korte.

Sa kabila nito, tiwala si DOJ Secretary Menardo Guevarra na posible pang mabaliktad ang desisyon kung makarating na ito sa Korte Suprema.

"Kung sakali, the SC in the end will say there is basis to reopen the case because dismissal in 2011 is void being premised on void assumption of amnesty extended to [Trillanes]," ani Guevarra.

Ayon naman kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, sa Court of Appeals (CA) aapela si Solicitor General Jose Calida para pagulungin muli ang kaso. 

"I’ve talked with [Calida]. He said he will not file a motion for reconsideration but will go immediately to the CA and appeal the ruling of the [RTC] with respect to the non-issuance of a warrant of arrest," ani Panelo.

PAGKAKAIBA SA HATOL NG RTC 150

Iba naman ang sitwasyon sa Makati RTC Branch 150 dahil noong Setyembre 25 ay pinagbigyan ni Judge Elmo Alameda ang mosyon ng DOJ na maglabas ng arrest warrant at hold departure order (HDO) laban kay Trillanes at muling buksan ang kasong rebelyon ng senador kaugnay ng 2007 Manila Peninsula siege. 

 
Pansamantalang nakalaya si Trillanes matapos magpiyansa ng P200,000 sa parehong araw.

Ayon kay Atty. Abdiel Fajardo, presidente ng Integrated Bar of the Philippines (IBP), magandang senyales na "independent" ang desisyon ng mga korte. 

"That will bring up squarely to the Supreme Court, kung sinong paniniwalaan ng SC, assessing iyong factual findings ng parehong korte," aniya. 

Noong Oktubre 1, nagsumite ng motion for reconsideration ang kampo ni Trillanes sa Makati RTC Branch 150, at sa Nobyembre 21 nakatakda ang presentation of evidence ng prosekusyon kaugnay ng kasong rebelyon ng senador. —Ulat nina Mike Navallo at Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.