Ilang biyahero nagsimula nang umuwi sa mga probinsiya para sa Undas

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2019 06:25 PM | Updated as of Oct 22 2019 08:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagsimula nang bumiyahe ngayong Martes ang mga pasahero pauwi ng kanilang mga probinsiya para doon gunitahin ang Undas.

Sa Araneta Center Bus Station sa Quezon City, isa ang senior citizen na si Expedita Bargamento sa mga inagahan na ang pagbiyahe pauwi ng Cebu para sa Undas.

Ayaw na raw kasi ni Bargamento na sumabay sa inaasahang dagsa ng mga tao sa mga bus terminal sa susunod na linggo.

"Kagaya ko na-stroke ako, mas maigi 'yong maluwag," ani Bargamento.

"Kasi next week mahirap na, marami nang tao," dagdag niya.

Bitbit naman ni Aileen Tatel ang kaniyang anak at malalaking bagahe.

Ayaw na rin daw niyang makipagsabayan sa maraming tao.

"Mahirap bumiyahe kapag may kasamang bata tapos maraming pasahero, mainit," ani Tatel.

Normal pa ang situwasyon ngayong Martes sa Araneta Bus Station.

Wala pang siksikan ng mga pasahero, wala pang pila sa mga ticketing booth, at marami pang biyahe para sa mga ordinary bus.

Sa Araneta Bus Port, bagaman normal ang situwasyon at kakaunti pa lang ang mga pauwing pasahero, fully booked na ang mga biyahe ng mga air-conditioned bus na patungong Bicol sa Oktubre 30 hanggang 31.

Nagpaalala naman si Ramon Legazpi, manager ng bus station at port ng Araneta Center, na mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng baril, patalim, at flammable materials.

Bawal din aniya ang magdala ng mga alagang hayop.

Pinayuhan din ni Legazpi ang mga pasahero na maagang magtungo sa bus station sa araw ng biyahe para maiwasang maiwan ng bus.

Sa mga terminal ng bus sa Pasay, sapat naman ang bilang ng mga bus na may biyaheng papuntang Tuguegarao, Olongapo, Baguio, at Dagupan.

Sa terminal ng DLTB sa Pasay, marami na ang nagpapa-reserve para makabiyahe ng Bicol hanggang Visayas simula sa susunod na linggo.

-- Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.