'Mga minasaker na magsasaka, di benepisyado ng land redistribution'

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2018 03:03 PM | Updated as of Oct 22 2018 09:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi mga benepisyado ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ang siyam na magsasakang pinaslang sa isang hacienda sa Sagay, Negros Occidental, sabi nitong Lunes ng Department of Agrarian Reform (DAR).

Ang CARP ang programa ng gobyerno na layong ipamahagi ang mga pampubliko at pribadong agrikultural na lupain sa mga magsasakang walang sariling lupa.

Pero ayon kay DAR Secretary John Catriciones, hindi sakop ng CARP ang Hacienda Nene kung saan nangyari ang pamamaslang noong Sabado, dahil nailipat ang pag-aari nito sa pamamagitan ng isang deed of donation.

Ito rin daw ang dahilan kung bakit idineklara noong 2014 na "defective" o walang bisa ang notice of CARP coverage para sa hacienda, sabi sa radyo DZMM ni Catriciones.

Umaga ng Sabado nang pasukin ng mga magsasakang kasapi ng grupong National Federation of Sugar Workers (NFSW) ang bahagi ng Hacienda Nene, kung saan nagtayo sila ng land cultivation area (LCA), ayon sa mga paunang ulat.

Naghahapunan ang mga magsasaka noong gabi ng Sabado nang bigla silang pagbabarilin ng nasa lima hanggang anim na armadong lalaki.

Watch more in iWant or TFC.tv

Siyam, kabilang ang tatlong babae at dalawang menor de edad, ang nasawi dahil sa mga tama ng bala at paso. Ang iba nilang kasamahan naman ay nakaligtas.

Ayon sa mga paunang ulat, nakatakda raw ipamahagi sa mga nasawing magsasaka ang Hacienda Nene, kaya isa rin sa mga motibong sinisilip ng mga awtoridad ang land conflict o alitan sa lupa.

PARANG KADAMAY

Inihalintulad ni Catriciones ang pag-okupa ng mga magsasaka sa Hacienda Nene sa pag-okupa ng militanteng grupong Kadamay sa mga pabahay ng gobyerno.

"Ang nangyari po diyan ay parang land occupation. Ibig sabihin, bigla nilang pinasok, noong mga magsasaka na apparently, hindi naman po sila mga beneficiary," ani Catriciones.

"Iyong pagpasok po ng mga magsasaka d'yan, sa lugar na in-occupy po nila, parang style ng Kadamay," dagdag ng kalihim.

Dinepensahan din ni Catriciones ang gobyerno at tiniyak na walang kinalaman sa pamamaslang ang militar at pulis.

"Wala pong partisipasyon ang mga military at mga pulis dito kaya hindi po nila po puwedeng isisi sa pamahalaan," aniya.

Una nang sinisi ni dating Bayan Muna party-list Rep. Neri Colmenares ang administrasyon sa pangyayari dahil sa paratang ng isang opisyal ng militar na ang mga LCA ay mga sakahan para sa mga komunistang rebelde.

Ayon naman kay Sagay Mayor Alfredo Marañon III, tinitingnan ng mga imbestigador kung may kinalaman sa pangyayari ang mga komunistang grupong New People's Army at Revolutionary Proletarian Army.

Bumuo ng task force ang DAR at Philippine National Police para magsagawa umano ng mas malalim na imbestigasyon sa insidente.

Naghain din ng resolusyon sa Kamara nitong Lunes ang mga mambabatas ng Makabayan bloc upang magsagawa ang mababang kapulungan ng imbestigasyon ukol sa insidente.

DATING MAGSASAKA, PERSON OF INTEREST

Tinitingnan namang person of interest ng pulisya sa masaker ang isang dating magsasaka sa hacienda, sabi nitong Lunes ni Chief Inspector Roberto Mansueto, hepe ng Sagay police.

"Mayroon na ring tayong tinututukan na person of interest na kabilang din sa former farmer-worker ng hacienda," sabi ni Mansueto sa panayam ng DZMM.

Nagbigay na rin, ani Mansueto, ang provincial government ng alok na P500,000 na pabuya sa makapagbibigay ng impormasyon ukol sa mga salarin.

Nakikipag-ugnayan naman sa mga awtoridad ang may-ari ng lupa para sa imbestigasyon, ani Mansueto.

Kinondena na ng Malacañang ang masaker at tiniyak na pananagutin ang mga responsable.

"The Palace is deeply perturbed to learn about the incident and the Philippine National Police has already been ordered to conduct a thorough and impartial investigation on this dastardly act," sabi sa pahayag ni presidential spokesperson Salvador Panelo.

Nakatakda namang bisitahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang burol ng mga nasawing magsasaki, sabi ni dating Special Assistant to the President Christopher "Bong" Go.

Nanawagan ang Commission on Human Rights (CHR) sa gobyerno na tiyaking makakamit ng mga biktima ang katarungan.

"We call on the government to assure that justice will be served but, at the same time, address the plight of farmers with respect to agrarian reform," sabi ng CHR sa isang pahayag.

Kinalampag din nitong Lunes ng iba-ibang militanteng grupo ang Armed Forces of the Philippines kaugnay sa pagpatay sa siyam na magsasaka.

Iginiit ng mga grupo, kabilang ang Anakpawis, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Bayan Muna, at iba pa, na kagagawan ng pulis at militar ang pagkakapatay sa mga magsasaka sa loob ng isang hacienda.

-- May ulat nina Raya Capulong, Dharel Placido at RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.