Nagpakilalang online seller ng aso 'nangholdap' ng buntis, 1 pa sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2019 05:53 PM | Updated as of Oct 22 2019 06:31 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hinoldap ang isang buntis at ang kaniyang kinakasama, ng isang lalaki na nagbebenta umano sa kanila ng aso sa Bacoor, Cavite. 

Agad namang naaresto ang suspek na kinilalang si Jose Senar. 

Kuwento ng mga biktimang sina Bartolome Buhian at Joan Llamas, dati silang pinakitaan ni Senar ng litrato ng golden retriever na ibinebenta umano sa halagang P1,000. 

Nagkasundo ang mga biktima at suspek na magkita sa Barangay Banalo sa Bacoor para makuha ang aso. Pero nang magkita, nagsabi ang lalaki na iihi lang muna ito. 

At makalipas ang ilang sandali, pinalibutan ang mga biktima ng tatlo hanggang apat na kawatan. 

Sinakal pa sa leeg at tinutukan umano ng baril si Llamas, na 2 buwang buntis. 

Batay sa kuha ng CCTV ng barangay, kumaripas ng takbo ang dalawa sa apat na suspek nang makita ng mga taumbayan. 

Sumakay ng jeep ang isa habang nawala sa dulo ng kalsada si Senar, na nagpalit umano ng damit. 

Pero natunton ang lokasyon ni Senar at naaresto ito. 

"Planado ang panghoholdap na ito kasi pinapunta sila sa isang lugar na kakaunti ang bahay, nasa looban pa. Pinag-interesan talaga kasi alam nila may dalang malaking pera," ani Police Lt. Col. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor Police. 

Aabot sa P55,000 ang natangay sa mga biktima. Narekober kay Senar ang isang calibre .38 na baril. 

Giit ng suspek, kinakailangan lang niya ng pagkakakitaan dahil wala siyang trabaho. 

Kasong robbery at illegal possession of firearms ang isinampa sa naarestong suspek. 

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.