Love triangle tinitingnang anggulo sa pagpaslang sa rapper na si LilJohn

ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2019 06:35 PM | Updated as of Oct 21 2019 08:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Love triangle ang isa sa tinitingnang anggulo sa pamamaril kay John Ross Delos Santos o mas kilala bilang ang rapper na si LilJohn sa Imus City, Cavite, ayon sa mga awtoridad. 

Ayon kay Imus City Police homicide investigator Jessie Villanueva, ilang beses na umanong nasangkot sa love triangle si Delos Santos, batay sa nakalap nilang impormasyon. 

Wala rin daw impormasyon ang pulis kung nasangkot sa ibang krimen ang biktima. 

"Sa ngayon so far, wala pa kaming nakalap na impormasyon sa nasabing anggulo na involved siya sa ibang krimen," ani Villanueva. 

Linggo ng gabi nang pagbabarilin si Delos Santos, 35, sa tapat ng isang tindahan habang nag-aantay ng inorder na pagkain sa kaniyang motorsiklo. 

Tinamaan ang biktima ng bala mula sa ulo hanggang sa likuran. Nakatakas ang mga suspek. 

Taga-Tambo, Parañaque ang biktima na kilala sa pakikilahok sa mga FlipTop rap battle.

Nakausap na ng pulis ang mga nakasaksi sa insidente maging ang mga kamag-anak ni Delos Santos. 

Pinaghahanap na rin ang mga suspek. -- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.