DepEd, bukas sa panukalang i-review ang K to 12 program

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2019 09:44 PM

MAYNILA - Bukas ang Department of Education sa panukala sa Kamara na i-review ang ipinapatupad na K to 12 Basic Education Program.

Ayon sa pahayag ng DepEd, makatutulong ang pag-review ng Kongreso sa K to 12 upang mapag-usapan ang mga isyu sa programa at kung paano ito masosolusyunan.

Nangako din ang DepEd na makikipagtulungan sa Kongreso para sa mas epektibong pagpapatupad ng programa kasunod ng inaprubahang karagdagang P650 milyong budget para rito sa susunod na taon.

Umaasa rin ang DepEd na sa pamamagitan ng isasagawang review sa Kamara na makakakuha sila ng mas maraming suporta mula sa mga kongresista.

Una nang sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano na nagkasundo ang mga kongresista na pag-aralan muli kung nakatutulong ba ang K to 12 program upang agad na magkatrabaho ang mga kabataan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.