64 bangkay ng aso, nasabat sa Batangas

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2018 10:48 PM

LEMERY, Batangas -- Nasabat ang mahigit 60 patay na aso sa bayang ito Linggo ng madaling araw.

Aktong ibabiyahe patungong Baguio City ang mga aso nang harangin ng pulisya sa bahagi ng Barangay Mataas na Bayan sa Lemery.

Inihanda ang checkpoint matapos makatanggap ng impormasyon ang mga pulis mula sa isang grupo tungkol sa umano'y dog meat trade sa lugar.

Tinangka pa umanong umiwas ng sasakyan sa checkpoint.

"Nung makita po nila naka-blink siguro 'yung ilaw ng ating mobile sa checkpoint ay magma-maneuver sana sila pabalik, going to Nasugbu, pero 'yung isa pa nating sasakyan ay nakaabang sa kanila," ayon kay Police Senior Inspector Garry Abregunda ng Lemery Police.

Tumambad sa awtoridad ang 64 na bangkay ng aso na nasa 690 kilos.

Arestado ang tatlong lalaking sakay ng van. Isa sa kanila ay menor de edad.

Napag-alaman din na isa sa mga naaresto ay may standing warrant of arrest sa Imus City, Cavite dahil sa kaparehong kaso.

Iimbestigahan pa ng Lemery Police kung saan mismong kinuha ang mga aso.

Dinala na sa tanggapan ng National Meat Inspection Service ang mga bangkay ng aso para sa proper disposal.

Tumangging magbigay ng pahayag ang mga nahuli. Sasampahan sila ng kasong paglabag sa Animal Welfare Act, habang ang menor de edad naman ay nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.