Insurance claim, di makuha dahil sa umano'y 'itinagong' sakit

ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2017 09:18 PM | Updated as of Oct 21 2017 09:22 PM

Dismayado ang naiwang pamilya ng isang ginang sa hindi maibigay na insurance claim dahil umano sa hindi pagdeklara ng pre-existing na karamdaman nito.

Setyembre 2016 nang sumali ang ina ni Marwin Macarasig sa Kabalikat para sa Maunlad na Buhay, Inc. (KMBI), isang micro-lending institution. Kasama sa pagsali sa KMBI ang benepisyong life insurance mula naman sa First Life Financial Company.

Namatay ang ina ni Marwin noong Enero 2017 matapos ma-diagnose ng kanser noong Nobyembre 2016.

Kuwento ni Marwin, may matatanggap sana ang beneficiary na P50,000 sakaling mamatay o may mangyaring masama sa kumuha ng nasabing insurance.

Binigyan naman sila ng paunang P10,000 at sinabihang ipo-proseso umano ang claim sa life insurance pero hindi na ito nakuha nina Marwin bagaman nagpabalik-balik na sila. 

Sinulatan ng ‘Tapat Na Po’ ang First Life Financial pero itinuro nito ang Insurance Commission.

Sumagot naman ang Insurance Commission at sinabing denied ang claim nina Marwin dahil itinago umano ng ina niya ang sakit noong nag-apply ng insurance.

Tugon naman ni Marwin, bakit umano tatanggapin ang kaniyang ina sa kooperatiba kung alam na nitong may sakit siya. 

Sa sulat naman ng KMBI, sinabing naipaliwanag noon sa miyembro na puwedeng ma-deny ang claim kapag hindi naideklara ang sakit.

May mediation naman sina Marwin at ang First Life Financial sa susunod na linggo.

Ayon sa Insurance Commission, matutuldukan na ang isyu kung eligible ba o hindi sa insurance sina Marwin.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.