'Ama ng local government code' na si Nene Pimentel pumanaw na

ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2019 03:41 PM | Updated as of Oct 20 2019 06:39 PM

Nene Pimentel sa pagdinig sa Senado noong 2018. George Calvelo, ABS-CBN News

MAYNILA — Pumanaw na nitong Linggo ang dating Senate president at itinuturing na "ama ng local government code" na si Aquilino "Nene" Pimentel Jr. sa edad na 85, ayon sa kaniyang mga kaanak. 

Sabi ng anak ni Nene na si Sen. Aquilino "Koko" Pimentel III, nagkaroon ng lymphoma ang kaniyang ama, na kumalat na umano sa katawan nito. 

"This already spread throughout his body. Hence many organs were affected. In the end it was the heart which gave up," ayon kay Koko. 

Watch more in iWant or TFC.tv

BUHAY SA POLITIKA

Ipinanganak noong Disyembre 11, 1933 si Pimentel.

Isa si Pimentel sa mga hinuli at dinetene noong martial law sa pagtuligsa niya kay dating diktador na si Ferdinand Marcos.

Naging delegado siya sa 1971 Constitutional Convention, at naging alkalde ng Cagayan de Oro City mula 1980 hanggang 1984.

Matapos ang kaniyang pagkaalkalde, naihalal siya bilang miyembro ng Batasang Pambansa mula 1984 to 1986. 

Matapos ang assassination ni Ninoy Aquino, naging boses ng oposisyon si Pimentel, kaalyado ng biyudang si Corazon "Cory" Aquino.

Nang mapatalsik si Marcos noong 1986 at naupo si Cory, nanungkulan si Pimentel bilang Interior minister.

Nagsilbi din si Pimentel bilang senador mula 1987 hanggang 1992, at mula 1998 hanggang 2010.

Bilang mambabatas ay nakilala siya bilang "father of the local government code" o ang batas na nagkaloob ng mas malawak na kapangyarihan para sa mga lokal na pamahalaan.

Mula 2000 hanggang 2001 ay tumayo siya bilang Senate president.

Kasama din si Pimentel sa mga founding member ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) party, na ngayon ay PDP-Laban na.

Senior member rin si Pimentel ng consultative committee on charter change sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

Bago pumanaw, nakilala si Pimentel bilang isa sa mga pangunahing nagsusulong ng pederalismo. 

'DEMOCRACY ICON' 

Kasabay ng pagpanaw ng dating senador, bumuhos din ang pagdadalamhati mula sa ilang personalidad sa politika. 

Sa isang pahayag, nagpasalamat ang Malacañang sa serbisyo ni Pimentel na anila'y ama ng local government code na nagbigay ng kapangyarihan sa mga lokalidad. 

"He would forever be etched in our history as a giant among his peers who championed democracy and electoral reform and a visionary who espoused devolution of powers and strong local governance," ani Presidential spokesperson Salvador Panelo.

Kinilala naman ni Vice President Leni Robredo ang naging ambag ni Pimentel sa pagtataguyod ng karapatang pantao.

"His long and storied career as a statesman is replete with moments of moral courage as he stood firm against the oftentimes cruel realities of politics and history," ani Robredo.

Para naman kay Senate majority leader Juan Miguel Zubiri, malaking kawalan sa Mindanao at sa buong bansa ang pagpanaw ni Pimentel. 

"He is one of those I consider as one of the great pillars of our country's democracy in the last 50 years. I'm honored to have had the opportunity to work with him in the 14th Congress and even if we had some differences then, he still treated me professionally and mentored me on the issues of human rights and above all the rule of law," ani Zubiri. 

Inalala naman ni Sen. Sherwin Gatchalian ang pagtaguyod ni Pimentel sa Local Government Code of 1991. 

"Because of his landmark measure, the Local Government Code of 1991, Pimentel has empowered LGUs across the country by allowing them to create their own source of revenue and enable them to levy taxes and fees, among others." 

Naulila ni Pimentel ang asawa niyang si Lourdes de la Llana, 6 na anak, at 6 na apo.


—May ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.