Pulis, armadong lalaki patay sa engkuwentro sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2019 06:47 AM | Updated as of Oct 19 2019 08:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA—Patay ang isang pulis matapos mauwi sa engkuwentro ang follow-up operation sa Plaridel, Bulacan.

Kinilala ang biktima na si Police Cpl. Ronnie Tamaliwan ng Bulacan Provincial Police Office (BPPO).

Ayon kay Police Chief Master Sgt. Merwin Lopez, isang tawag mula kay Lalangan Barangay Chairman Danilo Tayaw ang natanggap ng kanilang istasyon.

Isinumbong nito ang isang grupo ng armadong kalalakihan na pinangungunahan ng suspek na si Nesty Nacino na gumagala sa Alveo relocation site ng naturang lugar.

Agad na nirespondehan ng provincial intelligence branch at Swat team ng BPPO ang reklamo.

Pinuntahan ng mga pulis ang bahay ng suspek pero palapit pa lang ay agad ng nagpaputok ng baril si Nacino.

Nakipagpalitan ng putok ng baril ang mga pulis sa suspek hanggang sa tinamaan sa katawan si Tamaliwan.

Nagpatuloy ang engkuwentro hanggang sa nakalipat ng pinagtataguan si Nacino sa isang ginagawang bahay.

Nagbato pa ng granada ang suspek pero tumama ito sa pader at bumalik kay Nacino pero hindi ito sumabog. Tuloy sa pakikipagbarilan ang suspek hanggang sa tuluyan itong napatay ng mga pulis.

Naisugod pa sa Dr. Peralta Hospital si Tamaliwan pero idineklara itong dead on arrival.—Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.