Drayber, tiklo matapos umanong kikilan ang mga dating amo sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2019 01:27 AM | Updated as of Oct 19 2019 07:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang drayber ang inaresto matapos tangkaing kikilan umano ang kaniyang dating mga amo sa Cabuyao City, Laguna nitong Biyernes.

Humingi umano ng P30,000 ang suspek sa isang mag-asawang negosyante kapalit ng kanilang kaligtasan.

Ayon sa pulisya, kalauna'y hindi alam ng mag-asawa na dati nilang drayber ang humingi ng pera dahil sa cellphone sila nag-uusap.

Nagpakilala umano ang drayber sa text message na kasapi ng New People's Army (NPA) para mas matakot ang mga biktima.

Halos isang linggo umanong tinakot na papatayin ang mag-asawa kung hindi magbibigay ng nasabing halaga ng pera.

Nagpasaklolo ang mga biktima sa pulisya bago nila pinadalhan ang suspek ng P10,000 para sa entrapment operation.

Naaresto ang suspek sa isang remittance center kung saan niya sinubukang kunin ang pera.

Laking gulat na lang ng mag-asawa na ang dati nilang drayber pala ang nangingikil.

Tinanggi ng suspek ang mga paratang.

Haharap sa kasong robbery and extortion ang suspek.

- Ulat ni Merwin Javier, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.