Bilang ng mga nasawi sa Cotabato quake umakyat sa 7

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2019 07:07 PM | Updated as of Oct 19 2019 07:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv


Umakyat na sa 7 ang naitalang namatay sa pagtama ng magnitude 6.3 na lindol sa North Cotabato noong Miyerkoles, batay sa huling bilang ng gobyerno nitong Sabado.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nagmula ang 2 pinakabagong nasawi sa bayan ng Alamada, Cotabato pero hindi na muna sila pinangalanan.

Samantala, umabot na sa 1,699 ang bilang ng mga nasirang impraestruktura sa Soccsksargen, Davao, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Pinakamarami sa mga napinsala ay mga bahay na sinundan ng mga eskuwelahan, health facilities, simbahan, at iba pang establisimyento.

Dahil sa mga pinsala, isinailalim na sa state of calamity ang mga bayan ng Makilala at M'lang sa Cotabato province. 

Ang calamity fund ay gagamitin sa pagtulong sa mga apektadong residenteng gaya ng relocation at pagpapaayos sa mga nasirang bahay.

'OPLAN BALIK-NORMAL'

Samantala, ikinasa ng lokal na pamahalaan ng Kidapawan City ang tinatawag nilang "Oplan Balik Normal" para tulungan ang mga naapektuhan ng lindol sa lungsod.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakapag-usap na rin ang local government unit at National Housing Authority at napagkasunduang magbibigay sila ng P30,000 ayuda sa mga residneteng wasak na wasak ang tirahan, at P15,000 sa mga may bahagyang sira.

Pag-uusapan pa ng lokal na pamahalaan kung kakailanganing isailalim sa state of calamity ang lungsod.

Hinintay pa na pumasok ang lahat ng mga ulat mula sa iba’t ibang barangay bago magkaroon ng desisyon.

—Ulat nina Paul Palacio at Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.