2 patay, 4 timbog sa buy-bust sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2019 09:40 PM

MANILA—Dalawa ang patay habang apat ang arestado matapos mauwi sa engkuwentro ang isang buy-bust operation sa Barangay Bagong Silang sa Caloocan City nitong Sabado.

Kinilala ang mga napatay na suspek na sina Nelson Lorenzo at isang "Mike Sultan."

Ayon kay Police Col. Ronald Hipolito ng Criminal Investigation and Detection Group, nakipag-transaksiyon ang isang poseur buyer kay Lorenzo upang makabili ng isang kalibre .38 na baril sa halagang P3,500.

Pero natunugan umano ni Lorenzo na pulis ang katransaksiyon kaya agad nagpaputok ng baril habang tumatakas.

Sa habulan, agad napatay si Lorenzo at Sultan hanggang sa makorner ang apat na naarestong kasamahan.

Nasabat mula sa mga suspek ang dalawang kalibre .38 na baril, isang sumpak, at 100 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P200,000.

Si Lorenzo ang itinuturong lider ng gun-for-hire syndicate na nasa likod din ng pagbebenta ng baril, ilegal na droga, at panghoholdap sa Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela at iba pang lungsod sa Metro Manila.

- Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.