P472-M lotto winner umutang ng pamasahe para makubra ang premyo

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2018 09:53 AM | Updated as of Apr 02 2020 11:00 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA - Isa sa dalawang maghahati sa P1-bilyong premyo sa Lotto 6/58 ang kumubra na sa kaniyang napanalunan nitong linggo, ayon sa isang opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office.

Nasa P590,311,264.00 ang parte ng jackpot na ibinigay sa masuwerteng tumaya sa combination na (40-50-37-25-01-45), ayon kay Arnel Casas, assistant general manager for gaming ng PCSO.

Kakaltasan pa ng 20-percent na tax ang kaniyang premyo, kaya nasa P472 milyon ang kaniyang iuuwi.

Isang lalaking pamilyado, nasa "middle age," at "galing sa masa" ang nagtungo sa tanggapan ng PCSO nitong Martes para kubrahin ang kaniyang premyo, ayon kay Casas.

May isa pang kasama ang naturang lalaki at nangutang lamang sila ng pamasahe papuntang Maynila mula sa Samar, dagdag niya.

"Marami na siyang dalang biyaya para mabayaran ang kanyang utang," kuwento ni Casas sa Failon Ngayon sa DZMM.

"Ingatan ang pera, gamitin nang maayos at nawa’y marami siyang matulungan pa na mga kababayan, makapag-create ng job opportunities sa ilan nating kababayan," paalala din nito sa nanalo.

Ang isa pang nanalo, ang nagmamay-ari ng ticket na binili sa probinsya ng Albay, hindi pa kinukubra ang kaniyang parte at mayroon pa siyang 360 na araw para magtungo sa tanggapan ng PCSO para gawin ito.

Sakali namang matapos ang isang taon nang hindi ito kinukuha, ilalagay sa "charity fund" ang kaniyang premyo, ayon kay Casas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.