Nanakit na guro, ililipat ng paaralan: DepEd

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2018 11:16 AM | Updated as of Oct 19 2018 11:43 AM

MAYNILA - Ililipat sa ibang eskuwelahan ang guro na nakunan ng video na nananakit ng mga estudyanteng Boy Scouts ng Cutog Elementary School sa Reina Mercedes sa Isabela.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Per update of the regional director last night, nag-agree siya na ma-reassign ng eskuwelahan while we are undergoing the fact-finding investigation," ayon sa tagapagsalita ng Department of Education (DepEd) na si Undersecretary Annalyn Sevilla.

Sa video na nag-viral sa Facebook, maririnig ang guro na ilang beses na nanigaw sa mga grupo ng Grade 4 hanggang 6 na boy scouts na nagkumpulan sa sahig ng isang tent habang isinasagawa ang isang camp-off activity.

Ilang beses umanong hinampas at binatukan ang ilang estudyante at hinila pa ang isa papasok ng tent. Kinutya at minura pa umano ng buntis na guro ang mga bata dahil nawawala ang ilang kasamahan nila.

Sa panayam sa DZMM Biyernes ng umaga, sinabi ni Sevilla na parehong binibigyan nila ng proteksiyon ang mga bata at ang guro.

"Both the learners and the teacher, who is now subject to judgement ng publiko, ang gusto nating sabihin ay ito po ay under ng ating school management," sabi ni Sevilla.

Nagsasawa na ang imbestigasyon ang DepEd hinggil sa insidente. Aalamin din nila kung may clearance ang naturang aktibidad.

Depende umano sa magiging takbo ng imbestigasyon ang posibleng pagpataw ng kaparusahan sa guro. Pwede aniya siyang irekomenda na sumailalim sa anger management treatment o psychological support. Pwede rin siyang mapatawan ng preventive suspension o mabigyan ng ibang assignment.

"We hope the public will give the due respect na ang eskuwelahan alam gagawin dito dahil hindi rin po pwede na hindi natin didisiplinahin ang mga bata. Ang gusto po natin maging responsable ang mga bata but at the end of it all, hindi po natin papayagan ang pagdidisiplina ng hindi tama, ito po ay dapat positive and non-violent," dagdag niya.

'WAG MAGMATIGAS

Hiling naman ng dalawang magulang na nasaktan ng guro ang mga anak na huwag siyang mag-matigas at sa halip ay magpaliwanag at humingi ng kapatawaran sa nagawang pananakit sa mga bata.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Ang hinihiling lang namin ay humarap siya sa amin tapos kung halimbawa humingi siya ng dispensiya papatawarin namin pero kahit napatawad namin lilipat siya ng eskuwelahan," ayon kay nanay Marie.

Plano aniya nilang matanggal na sa pwesto ang guro dahil sa inabot na trauma ng mga bata.

"Sinasabi niya [anak], 'Mama, i-transfer ninyo na ako. Ayaw ko na dito.' Alangan namang i-transfer ko, 'yan pinakamalapit na eskuwelahan dito," sabi pa niya.

Hindi naman inakala ng isa pang nanay na madadamay sa galit ng guro ang kaniyang anak.

"Yung teacher na ang nagsabing 'di na kasali ang anak ko kasi dinudugo ang ilong. Pag sobrang mainit dinudugo ilong ng anak ko," paliwanag niya.

Pero isa ang kaniyang mga anak sa napagbuntungan ng galit ng guro.

Nanindigan silang magsampa ng kaso sa guro kung magmamatigas ito.

"Sana po hindi na niya ulitin. Kahit naman pumunta siya sa ibang barangay hindi na niya ulitin ang ginawa niya sa mga anak namin," sabi ni nanay Marie.

May nakatakda umanong paghaharap ang guro at mga magulang Biyernes ng hapon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.