Mga negosyante idineklara ang bodega ng bigas para iwas multa

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2018 07:00 PM

ILIGAN CITY - Limang negosyante ang nagdeklara na ng kanilang warehouse matapos salakayin kamakailan ng National Bureau of Investigation (NBI) at National Food Authority (NFA) ang apat na bodega sa Barangay Palao na nag-imbak ng bigas.

Posible umanong madadagdagan pa ang bilang ng mga magdedeklara ng bodega.

“Natakot sila after the incident," ani NBI Iligan District Office chief Abdul Jamal Dimaporo.

Karamihan sa mga negosyante, maliit na tindahan lamang ang idineklarang negosyo, at hindi ipinaalam na mayroon silang bodega na imbakan ng bigas.

Linggo-linggong nag-iimbentaryo ang NFA sa mga bodegang imbakan ng bigas para masubaybayan ang suplay sa lungsod.

Kinumpiska ang lahat ng laman ng mga bodegang hindi naideklara sa NFA at sasampahan ng kasong administratibo ang mga negosyanteng Tsino na may-ari nito.

Posibleng pagmultahin din ang mga ito bukod sa kasong criminal naman na isasampa ng NBI.

Mula nang mangyari ang operasyon ng NBI at NFA, napansin ng mga retailers na naglabasan na ang suplay ng bigas. Dahil dito, binabaan nila ng dalawang piso ang presyo kada kilo ng commercial rice.

Mas naging stable na rin ang suplay ng bigas dahil simula na rin ng ani.

Madaragdagan pa umano ito sa pagdating ng inangkat na suplay mula sa ibang bansa ngayong Nobyembre kaya inaasahang bababa pa ang presyo ng bigas.

Hind naman ititigil ng NFA ang Bigasan sa Compound o ang pagbebenta pa rin ng mas murang bigas. Maraming mga mamimili ang hindi pa rin masaya sa dalawang pisong ibinaba ng presyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.