2 sa BIR, dawit sa pangingikil ng P800,000, arestado

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2018 10:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado nitong Huwebes ang dalawang kawani ng Bureau of Internal Revenue sa Batangas matapos mangikil umano ng P800,000 sa isang negosyante para padaliin ang proseso ng pagbabayad nito ng buwis.

Nadakip ang mga suspek sa opisina mismo ng BIR-Batangas nang tanggapin ng dalawang ahente ang perang nanggaling sa mga taga-NBI na nagpanggap na empleyado ng negosyante.

Sinasabi rin umano na humingi ang BIR examiner na si Menelao Jimenez ng P800,000 para mabilis ang pagbabayad ng buwis ng kompanya ng negosyante. Kasabwat umano ni Jimenez ang BIR supervisor na si Mark Medina.

Ayon sa biktima, nauna nang humingi ng P1,000,000 ang mga suspek sa kaniya, kaya nagduda at nagsumbong ito sa NBI.

Ayon kay NBI Special Task Force chief Gerald Geralde, maaari ring may masamang reputasyon ang dalawang kawani sa BIR.

“Noong inaresto namin sila, apparently may reputasyon talaga sila. Naghihiyawan 'yung mga nandoon sa mga stall at sinasabing 'buti nga sa iyo',” ani Geralde.

Iniimbestigahan din ang dalawa pang umanong kasabwat sa modus na taga-BIR din.

Tinanggi ni Jimenez ang mga akusasyon at iginiit na iniipit lamang siya.

“Sinet-up ako. Hindi ko tinanggap ang pera. Kahit ipa-fingerprint niyo pa yan," ani Jimenez, na walong taon nang nagsisilbi sa BIR.

Payo ni Geralde na magbayad ng buwis nang maayos para hindi mabiktima ng mga nasabing modus.

Nahaharap ang dalawa sa paglabag ng Graft and Corrupt Practices Act, Code of Conduct at Ethical Standards for Public Officials, at direct bribery.

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.