Problemadong paglapag ng eroplano sa Iloilo, P1.6 milyon ang pinsala

Nony Basco, ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2017 05:19 PM

Inabot ng halos tatlong araw bago nakuha sa maputik na damuhan sa runway ng Iloilo International Airport ang eroplano ng Cebu Pacific na lumagpas sa runway noong Oktubre 13, Biyernes ng gabi.

Bukod sa 82 commercial flights na nakansela at mahigit 2,000 naapektuhang pasahero, nagdulot pa ito ng P1.6 milyong halaga ng pinsala sa paliparan.

"That consists of [damage to] runway lights, taxi way lights and directional signages,” ani Mecine Reyes, manager ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) - Iloilo.

Aminado ang CAAP na masama ang panahon nang mangyari ang runway excursion at bumaon pa ang nose gear ng eroplano, kaya natagalan bago natanggal sa runway ang eroplano.

"Although naibiyahe naman agad ang mga kailangang tools, naantala pa rin ng 2-3 days dahil sa weather situation."

Walang pananagutan?

Nilinaw din ng CAAP na hindi nagpabaya ang Cebu Pacific, taliwas sa alegasyon ng ilan.

Mabilis umano ang pagresponde ng kontraktor ng airline company.

Sabi pa ng CAAP, malinaw naman ang komunikasyon at koordinasyon para sa pag-landing ng eroplano at gumagana rin ang lahat ng pasilidad.

"Everything is all right...Nakadepende kasi ito sa piloto, desisyon na 'yan ng piloto. It's a discretion kung i-land niya or hindi," paliwanag ni Engineer Diegoc Abecendario, incident commander ng CAAP.

Nasa CAAP central office na ang black box at cockpit voice recorder para mag-detalye sa komunikasyon ng piloto at control tower bago ang insidente.

Pero si Iloilo Governor Arthur Defensor Sr. ay humihingi ng paliwanag dahil malaki umano ang naging epekto ng nangyari sa negosyo at turismo.

"Kung mapapaniwala niyo kami sa makatwirang paliwanag, all is well that ends well, hindi na sila magagalit sa inyo, hindi ko kayo babatikusin sa radyo at telebisyon," giit ni Defensor.

Sinikap ng ABS-CBN News na kunin ang panig ng Cebu Pacific pero wala pa rin silang sagot.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.