Mga sementeryo dinalaw na bago isara mula Oct. 29 hanggang Nov. 4

Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2020 01:30 AM

Isasara ang mga sementeryo sa Undas kaya nagsimula nang dumalaw ang ilan sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay. 

Gaya ng Pamilya Evoces na dumalaw na sa puntod ng kanilang ama at anak na nakalibing sa Manila North Cemetery. 

Gusto raw kasi nilang maiwasan ang siksikan. Nalulungkot lang sila dahil hindi nila kasamang dumalaw ang mga bata at matatanda kaya sa bahay na lang daw sila magdadasal at magtitirik ng kandila. 

At dahil sarado ang sementeryo at limitado ang mga dumadalaw, walang kita ang mga caretaker ng mga puntod. 

Ayon pa sa pamunuan ng Manila North Cemetery sarado sila para sa mga dadalaw mula October 29 hanggang November 4 pero pwede ang libing at cremation. 

Pero hanggang 30 katao lang ang pwedeng pumasok sa sementeryo para makipaglibing.

Marami nang dumadalaw ngayon pero ang higpit ng seguridad ay katulad din ng ipinatutupad tuwing undas noong wala pang pandemya. 

Bawal ang mga patalim, baril, baraha at alak. Kailangan nakasuot ang face mask at face shield. 

Pero kung nakalimutan, kasama na itong ibinebenta ng vendors ng mga bulaklak at kandila na nasa labas ng sementeryo. 

Sabi ng vendor na si Aling Lucila, konti lang ang inaangkat nilang bulaklak dahil gusto nilang tiyakin na maibebenta ang mga ito at makapagbabayad sila. 

P80 hanggang 200 pesos ang halaga ng flower arrangement. P35 pesos naman ang hindi naka-ayos. 

Hindi raw sila magtataas ng presyo basta't hindi rin tataas ang pinagkukunan nila ng mga paninda. 

Ang kandila naman ay nasa P10 hanggang P50, depende sa sukat.