Pamilyang pusher tiklo sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2019 04:44 AM

MAYNILA—Arestado ang 4 na miyembro ng isang pamilya dahil umano sa pagtutulak ng droga sa Barangay Pitogo, Makati City nitong Huwebes.

Nahuli ang tatay, nanay, anak, at tiyuhin sa loob ng kanilang tahanan. Nasamsam sa kanila ang nasa 53 sachet ng hinihinalang shabu na may halagang P26,000.

Ayon kay Makati City police chief Rogelio Simon, target nila ang isang anak na si alyas Pidoy na nakatakas sa operasyon.

"Nakakapanghinayang din [na] lahat sila naging miyembro na ng ilegal na negosyo... Ang role ng nanay at tatay [ay] dapat ituwid ang landas ng mga anak nila," aniya.

Itinanggi ng mga magulang ang alegasyon at sinabing tinaniman umano sila ng droga.

"Willing ako magpa-drug test," pahayag ng padre de pamilya.

Alam umano nila na nagtutulak si Pidoy pero matagal nang hindi umuuwi ito sa kanilang bahay.

Galit naman sa mga pulis ang isang anak dahil, ayon sa kaniya, magkaiba ang pagbebenta sa paggamit ng droga.

"Matakot kayo sa karma... May panginoon naman eh," aniya.

Nagreklamo rin ang tiyuhin dahil tinangay umano ng mga pulis ang kaniyang ipong pera.

"May pera po ako na P39,000. Ipon ko po 'yon," aniya. 

Nahaharap ang pamilya sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.—Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.