Daan-daang pamilya nasunugan sa Navotas

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2019 04:28 AM | Updated as of Oct 18 2019 08:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE)—Daan-daang pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog sa Market 3, Barangay North Boulevard Bay North (NBBN), Navotas City Biyernes ng madaling-araw.

Idineklaran nang under control na ang sunog na sumiklab pasado alas-2 ng madaling-araw, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).

Nasa 700 hanggang 800 pamilya ang apektado sa insidente, ayon sa inisyal na estimate ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).

Kuwento ng ilang residente, natutulog sila nang may sumigaw ng sunog.

Mabilis na lumaki ang apoy dahil sa pagsabog ng mga tangke ng LPG. May imbakan din ng langis dahil sa mga repair shop ng mga sasakyang pandagat.

Isa ang naitalang nasugatan na dinala sa ospital.

Dagdag ng CDRRMO, dati nang may plano na i-relocate ang mga nasunugan.

Hinala ng ilang residente, may posibilidad na sinadya umano ito habang patuloy ang imbestigasyon ng BFP.

Tatlong beses nang nasunog ang parehong lugar mula noong 2017.

Sa basketball court na muna ng Barangay NBBN manunuluyan ang mga biktima.—Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.