Blood samples ng mga baboy sa bayan sa Pangasinan, positibo sa ASF

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2019 06:17 PM | Updated as of Oct 18 2019 10:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

BAYAMBANG, Pangasinan - Kinumpirma ng Department of Agriculture (DA) at Bureau of Animal Industry (BAI) Region 1 na nagpositibo sa African Swine Fever (ASF) ang 30 na blood sample na kinuha mula sa mga namatay na baboy sa Barangay Apalen sa bayan.

Kaya naman agad nagpatupad ng 1-7-10 quarantine protocol sa lugar kung saan isinagawa ang culling operation o pagkatay sa mga natitirang alagang baboy ng hog raiser.

Ayon kay Dr. Florentino Adame ng Chief Regulatory Division ng DA Region 1, sa 30 blood samples, 100 percent na positibo sa ASF ang mga baboy.

Sa 1-7-10 quarantine protocol, isasailalim sa culling operation ang mga baboy na sakop ng 1 kilometer radius mula sa lugar na apektado ng ASF. 

Magsasagawa naman ng blood sampling, surveillance at animal checkpoint sa mga barangay na sakop ng 7 kilometer radius. Hindi naman papayagang makalabas o makapasok ang mga baboy na sakop ng 1-7-10 protocol hangga’t hindi idinedeklara ng DA at BAI.

Nagbigay na rin ng direktiba ang lokal na gobyerno ng Bayambang sa mga barangay chairman na magpatupad ng mahigpit na inspeksyon at quarantine sa mga backyard hog raisers para matiyak na wala nang maapektuhan ng ASF.

Mahigpit pa ring ipinatutupad ang total ban sa pag-angkat, paglabas at pagpasok ng mga baboy mula sa mga lugar na apektado ng ASF. Hindi na rin pinapayagan pa ang pagbebenta ng baboy na galing sa Pangasinan palabas ng probinsiya.