Batang nadaganan ng pader sa lindol stable na ang kalagayan

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2019 08:22 PM

Sumailalim sa splenectomy ang bata para tanggalin ang kaniyang spleen para mahinto ang pagdurugo. Nabagsakan ng hollow blocks ng gumuhong pader ang bata dahil sa lindol. Bonna Pamplona, ABS-CBN News

DAVAO CITY – Nagpapagaling pa sa ospital ang 7-taong gulang na batang lalaki na nadaganan ng gumuhong pader sa Barangay Kialeg, bayan ng Magsaysay sa Davao del Sur matapos ang malakas na lindol noong Miyerkoles ng gabi.

Makikita pa ang mga sugat sa paa, kamay at sa likod ng katawan ni Niel John Oloy Panday na natamo sa lindol.

Stable na ang kondisyon ni Panday at nagpapagaling sa Southern Philippines Medical Center matapos sumailalim sa splenectomy kung saan inoperahan at tinanggal ang kaniyang spleen upang maibsan ang pagdurugo ng kaniyang tiyan.

Ayon sa attending physician na si Dr. Kim Delos Reyes, mamimilegro ang buhay ng bata kung hindi ito agad maoperahan.

Nagpapasalamat naman ang ina ng bata na si Elena na buhay at nakaligtas ang anak.

Bukod kay Panday, may tatlo pang dinala na mga sugatan sa ospital na galing sa Hagonoy, Davao del Sur at Mlang, North Cotabato na ginagamot ngayon sa SPMC matapos nagtamo ng injury dahil sa lindol.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.