Bangkay ng paslit natagpuan; kapitbahay arestado

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2019 10:48 AM

Patay na nang matagpuan sa madamong bahagi ng Barangay Maayongtubig sa Dauin, Negros Oriental ang dalawang taong gulang na babaeng may ilang araw nang nawawala.

Martes pa pinaghahanap ng kaniyang mga magulang ang bata matapos itong mawala habang naglalaro sa labas ng kanilang bahay.

Huwebes ng hapon nang matagpuan ang bangkay ng bata sa damuhan may 300 metro lamang ang layo mula sa kanilang bahay.

Ayon kay Police Captain Ian Baldomero, hepe ng Dauin Police, agad nakilala ang suspek na kapitbahay nila dahil siya ang huling nakitang kasama ng bata.

Pinuntahan ng mga pulis ang bahay ng suspek at doon nakita ang mga patak ng dugo pati na ang pajama ng biktima.

Paniwala ng pulisya na sa bahay pinatay ng suspek ang bata bago itinapon ang bangkay nito sa damuhan.

Hinihinala ring hinalay ang biktima base sa inisyal na resulta ng medical examination na may laceration sa maselang bahagi ng katawan ng bata.

Biyernes ng umaga nang naaresto ang suspek sa bahay ng kaniyang tiyuhin sa bayan ng Sta. Catalina sa Negros Oriental.

Kasalukuyan siyang nakakulong sa Dauin Police Station.

Hinihintay ng pulisya ang post mortem report para malaman ang ikinamatay ng bata at makumpirma kung hinalay nga ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.