8 timbog sa pag-aalok ng investment na 'pinalalago ng artificial intelligence'

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2019 07:17 PM

MAYNILA — Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 8 suspek na dawit umano sa isang investment scam.

Sa entrapment operation ng NBI Anti-Fraud Division (AFAD) noong Huwebes, pinasok ng nagpanggap na investors ang opisina ng Right Circle Trading sa Quezon City.

Pinangakuan sila na kikita ang ipapasok nilang pera nang 50 percent pagkatapos ng 20 araw, at 100 percent naman pagkatapos ng 30 araw.

Paliwanag pa nila, "artificial intelligence trading robot" daw ang magpapalago sa mga pera.

Dahil dito, inaresto ng NBI agents ang 8 suspek na naabutan sa opisina.

"Pag may pumasok na investor, ang sinasabi nila mag-engage sila sa forex (foreign exchange) trading at nag-create ng artificial intel na may guarantee na 5 to 10percent na daily income," sabi ni Atty. Irvin Garcia, hepe ng NBI-AFAD.

Ayon naman sa isang naaresto, isa lamang siyang empleyado doon.

Kulong ang 8 suspek sa kasong syndicated estafa, violation ng SEC code, at E-Commerce Act.

—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.