Australian 'namaril' sa loob ng kotse sa Olongapo; 2 patay, 1 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2019 03:10 PM | Updated as of Oct 19 2019 03:23 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (2ND UPDATE) - Arestado ang isang Australian national matapos pagbabarilin ang tatlong kasamahan sa loob ng isang sasakyan sa Rizal Avenue, Olongapo City nitong Biyernes.

Nasakote sa hot pursuit operation nitong hapon ng Biyernes ang suspek na si Michael McLaren sa tinutuluyan nitong hotel sa Olongapo.

Dead on the spot naman sina Anthony George Wilson, 61 anyos na Australian national at ang 41 anyos na Pinay na si Mila Bailey, na nagtamo ng tama ng bala sa ulo.

Isinugod naman ang asawa ni Mila na si Wayne sa ospital matapos barilin sa tagiliran.

Nakunan ng CCTV ng isang establisimyento ang paglabas ng kotse ng isang lalaki matapos ang sunod-sunod na putok ng baril, ayon kay Capt. Grace Doceo, tagapagsalita ng Olongapo Police.

Nang makarating ang mga awtoridad sa crime scene, nakita ang bangkay nina Wilson at ni Mila na may tama ng baril.

Samantala, ligtas ang paslit na pasahero rin ng sasakyan, habang mabuti na ngayon ang kalagayan ni Wayne, na naka-confine sa James Gordon Memorial Hospital.

Narekober naman kay McLaren ang ginamit niyang baril at ang suot niyang damit nang mahagip siya ng CCTV.

Alitan sa ari-arian ang tinitingnang anggulo sa krimen, ayon kay Olongapo City police director Col. Benjamin Sembrano.

Nahaharap si McLaren sa dalawang counts ng murder at frustrated murder.

-- Ulat nina Zhander Cayabyab at Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.