Taxi driver, sugatan matapos holdapin ng pasahero sa Marikina

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2018 04:33 AM | Updated as of Oct 18 2018 06:42 AM

MAYNILA—Sugatan ang isang taxi driver matapos holdapin ng kaniyang pasahero sa Marikina Miyerkoles ng gabi.

Nahuli ng mga pulis ang suspek matapos dumaan ang taxi sa isang checkpoint.

Kuwento ng 61-anyos na biktima, kalalabas lang niya para mamasada pasado alas-10 ng gabi. 

Nakapagsakay siya sa Cubao ng lalaking pasahero na nagpahatid sa Marikina. Pero nagdeklara ng holdap ang pasahero pagdating nila sa Chestnut Street, Barangay San Roque.

"Medyo iniisip ko sana makatalon ako," sabi ng biktima.

Sakto namang nadaanan nila ang Oplan Sita sa lugar at nakapagsumbong ang biktima sa mga pulis.

"Pera lang ang kailangan ko, sabi niya. Pero naka-ano na 'yung panaksak niya. Pag-unday niya, medyo inabutan 'yung palad ko," dagdag ng biktima.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon sa Marikina city police, nagsasagawa sila ng mga operasyon sa lugar dahil sa mga report ng panghoholdap sa mga taxi driver.

"Ang modus dito is nagpapanggap siyang pasahero, sasakay sa Quezon City and then sasabihin niya hahatid sa may Barangay San Roque . . . Kapag nagdeklara ng holdup, kukunin 'yung pera, pababain 'yung taxi driver, at pati taxi kukunin ng suspek," ani Senior Insp. Darius Agmaliw ng Marikina City police.

Depensa naman ng suspek, dati rin siyang drayber ng PUV pero natanggalan ng lisensiya.

"Nawalan po ako ng hanapbuhay," aniya.

Nakuha sa suspek ang ginamit na patalim at 3 pakete ng hinihinalang shabu. Mahaharap siya sa mga kasong robbery/holdup, physical injuries, at possession of dangerous drugs. — Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.