Driver inako ang pagsalpok ng SUV sa pader ng ospital

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2018 08:37 PM

Isang sasakyan ang nawalan ng kontrol sa loob ng parking lot ng isang ospital sa Taguig, dahilan para banggain at gibain nito ang isang pader papasok sa elevator area. Retrato mula sa Taguig City Traffic Sector.

Inako ng driver ang kasalanan nang salpukin ng minamaneho niyang sasakyan ang pader ng isang ospital sa Taguig City noong Miyerkoles.

Sinabi nitong Huwebes ni Senior Superintendent Alexander Santos, hepe ng Taguig police, na inamin ng driver na si Johann Dizon, 53, na nagkamali ito sa pagmamaneho ng Mitsubishi Montero Sport.

Dumeretso raw ang sasakyan matapos subukan ng driver na i-adjust ang sasakyan sa tire-stopper ng parking.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Medyo nasobrahan yata 'yong pag-atras niya, umakyat ngayon 'yong gulong niya. Kumabila doon sa tire-stopper... noong nahirapan siyang umakyat, inapakan niya medyo 'yong gasolina nang malakas," ani Santos.

"Hindi niya na-kontrol, dere-deretso siya ngayon doon sa pintuan, sa elevator."

Nakuhanan ng CCTV ang pagharurot ng sasakyan sa basement parking at pagsalpok sa entrance patungo sa elevator area ng St. Luke's Medical Center, bandang alas-7 ng umaga.

Pumayag ang ospital at kampo na pag-usapan na lang kung paano mababayaran ang napinsala.

Wala namang nasaktan sa insidente.

-- May ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.