Dahil sa nakatakdang taas-pasahe, taas-sahod inihirit

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2018 08:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa gitna ng papalapit na pagtaas ng pasahe sa jeep at bus pagsapit ng unang linggo ng Nobyembre, mas umiigting ang panawagan ng mga manggagawa na itaas din ang suweldo nila. 

Ang machine operator na si Dante Lacbayo, pinag-iisipan na kung kaya niyang lakarin na lang ang apat na kilometrong distansiya sa pagitan ng bahay at pinagtatrabahuhan.

Namamasahe kasi silang mag-asawa at apat na anak papunta at pauwi ng trabaho at eskuwelahan, kaya P12 agad kada araw ang dagdag sa gastusin ng pamilya.
    
Pero ang suweldo niya, nakapako sa minimum wage na P512 habang ang asawa ay mababa pa sa minimum ang sahod.

"Ang laking pahirap po talaga nu'n, 'yung pagtaas ng pasahe, pati bilihin. Masakit na sa bulsa 'yan. Sobrang mataas na. Baka maglalakad na lang ako nito," aniya.

Umaaray na rin ang sekretaryang si Ellen Bustamante na dalawang beses sumasakay ng jeep papuntang opisina, at gano'n din pauwi.

"Hindi naman ako puwedeng maglakad kasi mayroon akong maintenance na gamot sa high blood," hinaing niya.

Panawagan nila at ng labor group na Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), itaas na ang suweldo ng mga manggagawa.
    
May nakahaing petisyon ang grupo sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ng National Capital Region (NCR) para dagdagan ng P320 ang arawang sahod sa Metro Manila.
    
Ayon sa tagapagsalita ng grupong si Alan Tanjusay, panahon na para aprubahan ito ng wage board, lalo’t patuloy ang pagbilis ng inflation ngayong taon.

"Sa P1 fare increase mapapabilis ang desisyon ng wage board. Matagal na dapat nagdagdag ng sahod. Incredible ang pagtaas ng bilihin at serbisyo. Bumabagsak na ang purchasing power ng empleyado," giit ni Tanjusay. 

Pero anila, hindi naman na umano tututulan ng grupo ang taas-pasahe sa bus at jeep para madagdagan din ang kita ng mga driver.

Para naman sa grupo ng mga employer, masyadong mataas ang hirit na dagdag-sahod, lalo para sa mga sisinghap-singhap na maliliit na negosyo.

"Marami rin ang nagsasara dahil hindi kayang sundan ang mandated wage increase," depensa ni Sergio Ortiz Luis, acting president ng Employers Confederation of the Philippines.

Bukas naman daw ang ALU-TUCP sa mas mababang halaga ng wage increase kumpara sa pinetisyon nila, pero hindi umano ito dapat mas mababa sa P56 na inaprubahan ng wage board sa Region 11. 

Sa Lunes, nakatakda ang pagdinig ng wage board sa petisyon para sa dagdag-sahod sa Metro Manila.

—Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.