SAPUL SA CCTV: Lasing nag-vandalize sa QC

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2017 11:49 AM

Halos hindi na mabasa ang nakasulat sa bordap o bakal na harang ng Manila Water sa isang proyekto sa East Kamias, Quezon City matapos i-vandalize ng isang lalaki gamit ang itim na spray paint.

Sa kuha ng CCTV, pasado alas-dos ng madaling araw nang dumating si Ian Palba sa kalye ng K9 corner KJ dala ang isang bote ng spray paint.

Tatlong panel ng harang ang sinulatan niya ng hindi makilalang characters.

Ayon kay Palba, code ito para sa name tag niya na “Lourd”.

Umalis si Palba pero bumalik din makalipas ang ilang minuto, kasama ang mga kaibigan. 

Dito na siya nahuli ng barangay public safety officers na nakita ang ginawang bandalismo sa CCTV.

Giit ni Palba, unang beses lang niya ginawa ang pag-vandalize kaninang madaling araw.

Pansamantala siyang naka-detine sa barangay hall, habang inaantay ang kinatawan ng kumpanyang may-ari sa na-vandalize na gamit.

Posibleng maharap si Palba sa paglabag sa ordinansa laban sa bandalismo sa Quezon City na mayroong parusang kulong na hindi hihigit sa anim na buwan, o multang hindi hihigit sa P3,000.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.