Punong barangay sa Isabela patay sa pamamaril

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2020 11:09 PM

Photo courtesy of PNP Echague

Iniimbestigahan ngayon ng mga awtoridad ang pamamaril sa isang punong barangay sa bayan ng Cordon, Isabela Sabado ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Ricardo Mencias na nasa kaniyang ikatlong termino bilang punong barangay ng Camarao.

Sa paunang imbestigasyon, minamaneho ni Mencias ang kaniyang sport utility vehicle at binabaybay ang kalsada ng Barangay Annafunan sa bayan ng Echague nang barilin ng hindi pa nakikilalang salarin.

Nagtamo ang biktima ng tama ng bala sa mukha na tumagos sa kaniyang batok batay sa pagsisiyasat ng scene of the crime operatives.

Patuloy na inaalam ang motibo ng pagpatay kay Mencias.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.