Tauhan ng BJMP sa libing, lamay ni Baby River, planong kasuhan

ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2020 07:17 PM | Updated as of Oct 17 2020 08:03 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Planong kasuhan ng kampo ng pamilyang Nasino ang mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology at Philippine National Police kasunod ng kaguluhan sa lamay at libing ni baby River, ang anak ng aktibistang si Reina Nasino.

Ayon sa abogado ng pamilyang Nasino na si Sol Taule, hindi anila nila palalagpasin ang mala-hayop na pagtrato ng BJMP at pulisya sa lamay at libing ni Baby River.

"We will not let pass the grotesque and barbaric acts of the BJMP and the police last October 14 when they attempted to whisk Reina way from the wake; and yesterday when they snatched baby river's body away from her family. The least we can do is charge them in court for all of this monstrosity. We will not allow them to get away with it," ani Taule sa isang pahayag. Kasapi si Taule ng National Union of People’s Lawyers.

Naging tensiyonado ang eksena sa paglibing kay River sa Manila North Cemetery nitong Biyernes, kung saan pinalibutan ng maraming jail guards ng BJMP na naka-camouflage at may mga armas pa na pinalilibutan ang kabaong ni Baby River.

Naka-posas pa si Nasino, at tila hirap magpunas ng kaniyang luha. Nakasuot din siya ng full PPE nang mangyari ang libing, na sanang huling sandali niyang makakasama ang pumanaw na anak.

Hiniling ng pamilya Nasino at kanilang mga abogado na gusto nilang maging "pribado" sana ang paghimlay kay River, taliwas sa tinatawag nilang "overkill" at mala-batalyong bilang ng awtoridad na nagbantay sa lamay.

Nahuli si Nasino sa Tondo, Maynila noong Nobyembre 2019— bahagi ng umano'y crackdown sa mga makakaliwa. Kinasuhan siya ng illegal possession of firearms and explosives pero iginigiit ni Nasino na inosente siya.

At imbes na 3 sunod-sunod na araw ang furlough o pansamantalang paglabas sa kulungan ni Nasino, iniksian ito sa 6 na oras sa 2 araw alinsunod sa hiling ng Manila City Jail.

Binatikos din sa social media ang tila hindi makataong pagpapalibing sa paslit, maging ang pagpapakulong kay Nasino.

“Reina Nasino is a symbol of what is terribly wrong with the Philippine justice system and the government of Rodrigo Duterte. The President's war on activists has resulted in gross human rights violation... The courts also failed to protect the rights of the arrested activists and political prisoners,” ani Renato Reyes Jr., Secretary General ng Bayan.

Pinag-aaralan na rin ng NUPL ang mga kasong posibleng isampa laban dito, ayon sa pinuno ng grupo na si Edre Olalia.

"A separate legal team of 5 NUPL women lawyers with 2 law students quickly volunteered to study, recommend and prepare a suit or other legal moves vs. BJMP officials & personnel. We are on case build up stage," ani Olalia.

Sa harap ng mga batikos, walang nakikitang mali ang BJMP sa mga asal ng tauhan nito.

"Even in detention, persons deprived of liberty should not be subjected to any cruel, inhuman, or degrading treatment or punishment and that it remains to be a State obligation to respect their inherent dignity and value as human beings, in line with the United Nations Standard Minimum Rules for the Treatment of Prisoners or the Nelson Mandela Rules," ani CHR Spokesperson Jacqueline De Guia.

Sinusuri na rin ng komisyon ang kaso ni Nasino kung isang uri ng harrassment ang kaniyang pagkakakulong dahil sa human rights work.

— Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.