SUV bumangga sa jeep sa Iloilo City, 8 sugatan

Nony Basco, ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2019 02:45 PM

Wasak ang unahang bahagi ng SUV matapos na bumangga sa isang pampasaherong jeep na ikinasugat ng walong katao sa Iloilo City. Nony Basco, ABS-CBN News

MANDURRIAO, Iloilo City – Walo ang sugatan matapos na bumangga ang isang SUV sa isang pampasaherong jeep sa intersection ng Taft North, Huwebes ng madaling araw.

Ayon sa Mandurriao Police Station, mabilis ang takbo ng SUV nang mabangga nito ang jeep.

Papuntang Jaro Big Market ang jeep na minamaneho ni Jerry Cabañas karga ang mga gulay at iba pang produkto galing Leon, Iloilo.

Wasak ang unahang bahagi ng SUV dahil sa lakas ng pagbangga.

Galos lamang ang natamo ng driver na si Sophia Garrucho, manager ng isang disco bar.

Dagdag pa ng pulisya, posibleng nakatulog si Garrucho kaya't bumangga ang kaniyang SUV sa jeep.

Apat sa 8 pasahero ng jeep ang dinala sa ospital.

Inaresto naman ng mga pulis si Garrucho dahil wala itong maipakitang lisensiya.

Nahaharap siya sa kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.