Lalaking nabidyuhan habang nagre-repack ng shabu, arestado sa CDO

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2019 09:57 PM

CAGAYAN DE ORO CITY - Arestado ang isang lalaki matapos makuhanan ng bidyo habang nagre-repack ng shabu sa likod ng isang kapilya sa Barangay Camaman-an sa Cagayan de Oro City.

Huli sa video ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 10 ang pagre-repack ng shabu ni alyas "Reynan" noong Oktobre 11.

Watch more in iWant or TFC.tv

Surveillance video courtesy of Philippine Drug Enforcement Agency Region 10.

Miyerkoles ng gabi nang maaresto ito sa ikinasang buy-bust operation. Nakuha mula sa suspek ang apat na pakete ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P34,000.

Ayon sa PDEA, mag-iisang buwan na nilang minamanmanan ang suspek na sa likod ng kapilya sa lugar nagre-repack ng ilegal na droga.

"Positive siyang nagbebenta sa area dun siya sa likod ng chapel kasi ang lupa donated by his family," sabi ni Neil Pabilona, Assistant Provincial Officer ng PDEA 10-Lanao del Norte.

Umamin naman ang suspek na gumagamit at nagbebenta ito ng ilegal na droga.

"Para may mabigay ako sa aking mga anak. Mahirap lang po kami," paliwanag nito.

Tumanggi nang humarap sa kamera ang pastor ng kapilya pero sinabi nitong hindi niya alam ang ginagawa ng suspek.

Kakasuhan si alyas Renan ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.