2 patay nang manlaban umano sa mga pulis sa Surigao del Sur

Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2019 09:55 PM

TAGBINA, Surigao del Sur—Patay ang dalawang lalaki matapos umanong manlaban sa pulisya sa bayan ng Tagbina Huwebes ng umaga.

Inihain ng mga awtoridad ang search warrant para sa kaso ng loose firearms laban sa isang Elesio Labi alyas “Lesyo” sa nasabing lugar.

Sa isinagawang operasyon, nagpaputok umano ng baril ang suspek dahilan upang barilin siya ng mga pulis at sanhi ng kaniyang pagkamatay. Nakuha sa suspek ang isang fragmentation grenade at improvised rifle.

Habang nagsagawa ng imbestigasyon ang scene of the crime operatives, narekober nila ilang pang firearm.

Samantala, alas-5:30 ng umaga, napatay ang isang Allan Taer matapos siyang mabaril ng isang pulis.

Nang-agaw umano ng M-16 rifle ng pulis ang suspek. Sugatan din ang isang pulis sa insidente.

Nakuha sa pinangyarihan ng krime ang dalawang pakete ng shabu at iba pang armas.

Ayon kay Police Col. Francisco Dungo, Jr, provincial director ng Surigao del Sur, ang mga naturang suspek ay kilalang mga responsable sa mga robbery sa Tagbina.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.