Mga bangkang nagtapon ng langis sa karagatan ng Coron, pinagmulta ng Coast Guard

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2018 09:00 PM

CORON, Palawan - Kinumpirma ng Philippine Coast Guard sa bayang ito na mayroong mga bangka na nagtatapon ng langis sa karagatan.

Unang naging usap-usapan sa social media noong Setyembre ang mga larawang at bidyong kuha ni Sergei Tokmakov, isang abogado mula California na nasa bansa para gumawa ng isang coffee table book tungkol sa Coron.

 

Sa kaniyang mga kuha, makikita ang ilang mga bangka na nagtatapon ng langis sa karagatan sa pagitan ng Siete Pecados at Maquinit Hot Spring.

Nitong ika-3 ng Oktubre, may mga bagong larawang ibinahagi si Tokmakov kung saan makikitang mayroon ring kumalat na langis sa labas ng Kayangan Lake.

Sa kaniyang Facebook post, ibinahagi ni Tokmakov ang kaniyang pagkadismaya sa tila mabagal na pag-aksyon ng pamahalaan sa usaping ito, lalo na't maari itong makaapekto sa turismo sa lugar.

Ayon naman sa Philippine Coast Guard, tukoy na nila ang mga sangkot sa insidente.

"Recently, yung Coast Guard nag-conduct ulit ng inspection at nakita natin yung bangka na nag-spill din... so nag-discharge ng oil mixture at na-apprehend din natin... So subject for adjudication na sila and basically magbabayad sila ng kaukulang penalty by this week..." paliwanag ni Adrian Vargas, station commander ng Coast Guard sa Coron.

Isang fishing boat at dalawang tourist boat ang napatawan ng kaukulang multa dahil sa paglabag sa Republic Act 9483 o ang Oil Pollution Law.

Ipinatawag na rin ng awtoridad ang lahat ng boat owners at operators para mapaliwanagan sa tamang pagtatapon ng langis at ang mga kaakibat na batas sa pagtatapon nito sa karagatan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.