2 lalaki, huli sa 'pangingikil' sa Tacloban

Geron Ponferrada, ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2018 02:07 AM | Updated as of Oct 17 2018 05:02 AM

TACLOBAN CITY - Arestado sa entrapment operation sa Tacloban City ang 2 lalaking sangkot umano sa kaso ng robbery-extortion.

Kinilala ang mga suspek na sina Milfel Engao at Reynaldo Macamay.

Nagpakilala umano ang mga suspek na nagtatrabaho sa opisina ng isang huwes sa Basey, Samar.

Ayon kay Jess Gadaingan, investigator ng National Bureau of Investigation (NBI), nagsumbong ang isang ginang ukol sa paghihingi ng pera ng mga suspek kapalit ng desisyon sa kaso ng kaniyang mister na pinatay.

"Tumawag sa kaniya at in-instruct daw siya ni judge na magbigay ng P200,000 in exchange para sa favorable judgement ng kaso niya," aniya.

Base sa imbestigasyon ng NBI, hawak ng huwes ang kaso ng 5 suspek na itinuturong pumatay sa asawa ng reklamante noong 2014 sa Sta. Rita, Samar.

Ilalabas ang desisyon sa kaso sa darating na Nobyembre 7, 2018.

Dagdag ni Gadaingan, aalamin din nila ang mga paratang ng mga suspek.

"Iimbestigahan po natin kung talagang may involvement si judge," aniya.

Na-inquest ang mga suspek sa kasong robbery-extortion Martes ng gabi at kasalukuyang nasa kustodiya ng NBI.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.