Taxi driver sa Ilocos Norte, nagsoli ng naiwang pera ng pasahero

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2019 12:48 AM

Isang taxi driver sa Laoag City, Ilocos Norte ang hinangaan dahil sa kaniyang katapatan.

Kuwento ng drayber na si Arvin Bataan, may naiwang coin purse sa kaniyang taxi Lunes ng hapon.

Una itong napansin ng isang pasahero pero hindi na ito ginalaw ni Bataan at agad niyang dinala sa Laoag City Police Station.

“Hindi ko na binuksan kasi baka may mawala," aniya

Ang may- ari ng coin purse ay si Bernabeth Tuliao mula Barangay 2, Sarrat, Ilocos Norte.

Ayon kay Tuliao, kasama niya ang kanyang kaanak ng maiwan nito ang coin purse sa taxi.

Agad niya itong binalikan sa isang mall at nang makita si Bataan at dahil dinala na niya ito sa mga pulis, sinamahan niya pa si Tuliao para kunin ang coin purse.

Laking pasasalamat niya kay Bataan.

"Nagpapasalamat po ako sa kanya at sana marami pa siyang matulungan," aniya.

Naglalaman ang coin purse ng higit P18,000. Suweldo umano nila ito ng kaniyang kaanak bilang tagapag-alaga ng kambal na lola. Kasama din dito ang pambili ng gamot at pagkain ng kambal.

Tubong Barangay Bayubay Sur sa bayan ng San Vicente, Ilocos Sur si Bataan.

Domestic helper ang misis at may dalawang taong gulang itong anak.

First time sa pamamasada at dating ahente ng frozen products si Bataan.

"Naranasan ko na kasi ng mawalan ng pera at iba pang gamit kaya alam ko ‘yung pakiramdam at may takot din ako sa Diyos. Kailangan talagang ibalik ang hindi sa’yo," aniya.

Mabuting ehemplo naman kung ituring siya ng kaniyang mga kapwa taxi driver.

"Kung may mga maiiwan ang mga pasahero, kailangan talagang ibalik para maengganyo ang mga ito na sumakay," ani Rey Macatulad, taxi driver.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.