23 dawit sa pagdodroga huli sa anti-drug ops sa Antipolo

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2019 05:26 PM | Updated as of Oct 16 2019 05:35 PM

Aabot sa 23 na dawit umano sa droga ang naaresto ng mga pulis sa isang sitio sa Antipolo City.

Nangyari ito nang magkasa ng "oplan galugad" ang Antipolo City police sa Barangay San Isidro.

Unang naaresto ang 19 umano'y tulak at gumagamit ng droga sa isang bahay sa Sitio Tanglaw sa nasabing barangay pasado alas-9 ng umaga ng Huwebes.

Sunod na inaresto ang apat na iba pang suspek.

Ayon kay Lt. Col. Bartolome Marigondon, deputy chief ng Rizal police, isang buwan na nilang minamanmanan ang mga suspek.

Nahuli rin sa operasyon ang 40 anyos na si Joey Valdez na itinuturong nagbabagsak ng droga sa lugar.

Ayon kay Valdez, gumagamit siya ng droga pero hindi naman daw siya ang nagbabagsak nito sa lugar.

Isang calibre .38 na baril, isang sumpak, at hinihinalang drogang aabot sa P250,000 ang nakumpiska sa mga suspek.

Nahaharap sila ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.