Tigil-pasada sa Albay, simula na

Karren Canon, ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2018 10:37 AM

Ikinasa Martes ng madaling araw ang transport strike sa buong lalawigan ng Albay.

ALBAY – Sinimulan na Martes ng madaling araw ang transport strike sa lalawigan sa pangunguna ng Condor Piston Bicol.

Kasabay nito ang piket na isinasagawa ng grupo kung saan kanilang inihahayag ang pinakalayunin ng tigil pasada.

Una na rito ang kanilang panawagan sa lokal na pamahalaan ng Legazpi na itigil ang dry run at ibalik na ang dating ruta ng mga pampasaherong jeep na may biyaheng Legazpi-Daraga at vice versa, at ng mga jeep na may biyaheng Legazpi papuntang first at third district at vice versa.

Halos isang buwan na ngayong ipinapatupad ang dry run at apektado na umano ang pamumuhay ng mga jeepney driver.

Maliban sa kulang ang kanilang kita dahil sa kulang ang pasahero, nauubos din ang kanilang kita sa krudo dahil sa patuloy na pagtaas rin ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Una nang ipinaliwanag ng lokal na pamahalaan ng Legazpi na ipinatupad nila ang dry run bilang pagsunod sa naging mandato sa kanila ng Department of Transportation.

Dahil strike, walang pasok ngayon sa lahat ng antas sa Albay.

Hatinggabi ang inaasahang tapos ng ng tigil-pasada.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.