Lalaking 'nakakulimbat' ng P100 milyon sa credit card skimming timbog

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2018 08:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto ang isa umanong scammer na nakakulimbat ng aabot sa higit P100 milyon mula sa mga pinekeng credit card, sabi nitong Martes ng National Bureau of Investigation (NBI).

Ayon sa NBI, sa bisa ng warrant of arrest, hinuli ng kanilang mga tauhan ang suspek na si Gerard Joseph Liwag sa kaniyang condominium sa Taguig City.

Ilang kasabwat umano sa mga establisimyento ang binibigyan ni Liwag ng skimming device, na ginagamit para makopya ang mga personal na impormasyon sa credit card ng kanilang mga kliyente.

Kinokolekta raw ni Liwag ang skimming device mula sa kakilala sa establisimyento at inililipat ang mga nakuhang impormasyon sa mga blangkong credit card.

"The cards are manufactured, are produced by him. Only the information are stolen... and transferred to blank cards, and would make it appear as a legit card," ani NBI spokesperson Ferdinand Lavin.

Kapag nakopya na ang card, gagamitin ang mga ito ng suspek na pambili ng pagkain at pang-shopping.

Pinagagamit din daw ni Liwag sa mga kasabwat na babae ang mga kinopyang card para ipambili ng mga branded na bag at gamit.

Nagreklamo na rin ang mga bangko na siyang tinatamaan ng modus na credit card skimming.

"Halos lahat ng bangko nagsampa, 'yong mga big players, issuers of credit cards," ani NBI Cybercrime Division chief Vic Lorenzo.

Itinanggi naman ni Liwag ang mga paratang.

"This is all a set-up by the NBI and their asset," sabi ni Liwag.

Nakuha ng NBI sa condominium unit ni Liwag ang mga pekeng ID, blangkong credit card, point of sale card terminal, mga skimming device at mga laptop.

Kinasuhan si Liwag ng paglabag sa Republic Act (RA) 8484 o Access Devices Regulations Act at RA 10175 o Cybercrime Prevention Act.

Inaalam na rin ng NBI ang pagkakakilanlan ng iba pang kasabwat ni Liwag.

--Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.