Militar at Abu Sayyaf, nagkaengkuwentro sa Basilan; 6 IED narekober

ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2019 08:01 PM | Updated as of Oct 15 2019 09:09 PM

Anim na improvised explosive device (IED) ang narekober matapos ang engkuwentro sa pagitan ng mga militar at mga miyembro ng Abu Sayyaf sa Barangay Calang Canas, bayan ng Maluso, Basilan Martes ng umaga.

Ayon sa militar, umabot ng 20 minuto ang engkuwentro. 

Kinilala ni Western Mindanao Command Spokesperson Maj. John Arvin Encinas ang mga nakaengkwentro na miyembro ng grupo ni Furuji Indama, lider ng Abu Sayyaf.

Dagdag pa ni Encinas, nagkataon lamang na nasa lugar ang mga miyembro ng 68th Infantry Battalion at ang Abu Sayyaf kaya nagkaroon ng labanan.

Nakakita ng bahid ng dugo sa lugar matapos ang engkuwentro pero wala namang naiulat na namatay.

Patuloy pa ang clearing operation sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.