Lalaki sinaksak ang ka-textmate ng live-in partner sa Ilocos Norte

ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2019 01:28 AM

ILOCOS NORTE—Arestado ang isang construction worker matapos niyang saksakin ang ka-textmate ng kaniyang live-in partner sa bayan ng Pasuquin, Ilocos Norte Sabado ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Orlando Tabay, residente ng Barangay Naglicuan, Pasuquin.

Ayon sa pulisya, nag-ugat ang krimen nang malaman ni Tabay na may ka-text ang kaniyang live-in partner.

Gusto umanong makipagkita ng biktimang si Christian Cacal, residente ng Barangay Tuburan sa bayan ng Bacarra, sa kaniyang live-in partner.

Nagpanggap si Tabay na siya ang ka-text ng biktima hanggang sa magkita sila.

Nagka-komprontahan ang 2 hanggang sa nauwi ito sa pananaksak. Nagtamo ng 5 sugat sa katawan ang biktima.

Agad nagtungo sa police station ang biktima. Naaresto naman ang suspek sa kanilang bahay sa hot pursuit operation.

Paliwanag ng suspek, nagawa niya ito dahil sa matinding selos. Higit isang taon na silang nagsasama ng kaniyang live-in partner.

Nahaharap sa kasong frustrated murder ang suspek.—Ulat ni Grace Alba, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.