Mga pag-ulan magpapatuloy dahil sa ITCZ

ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2017 09:00 AM

MANILA- Magpapatuloy ang mga pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa ngayong Linggo dahil sa intertropical convergence zone (ITCZ) o kaulapang dulot ng pagtatagpo ng hangin mula sa hilaga at timog malapit sa equator, ayon sa state weather bureau PAGASA.

Sa panayam ng DZMM, sinabi ni PAGASA meterologist Meno Mendoza na magdadala ang ITCZ ng mahina hanggang katamtamang pag-ulan sa mga rehiyon ng Metro Manila, Calabarzon, Bicol, Mimaropa, Western at Central Visayas, Zamboanga peninsula at mga lalawigan ng Tawi-tawi, Sulu at Basilan.

Uulanin din ang Batanes and Babuyan islands dahil sa mga kaulapang dulot ng Bagyong Odette, na nakalabas na ng Philippine area of responsibility (PAR) at patungo na sa Tsina.

Makararanas naman ang natitirang bahagi ng bansa ng magandang panahon maliban sa mga pag-ulan sa hapon o gabi, dagdag ni Mendoza.

Binabantayan aniya ng PAGASA ang isang low pressure area sa labas ng PAR.

Para sa iba pang ulat-panahon, bisitahin ang ABS-CBN Weather Center.

DZMM, 15 Oktubre 2017