Negosyante, driver nakaligtas sa pananambang sa Lipa

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2019 11:40 AM | Updated as of Oct 14 2019 12:17 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

LIPA CITY, Batangas -- Nakaligtas ang isang negosyante at driver nito mula sa pananambang dito sa lungsod, Lunes ng umaga.

Hindi muna pinangalanan ng pulisya ang mga biktima. Nakuha sa CCTV camera ang pagdikit ng riding-in-tandem sa puting van ng biktima na kadadaan lang sa Tambo Exit ng Star Tollway.

Matapos paputukan ang van ay mabilis na nag-u-turn ang motorsiklo patakas sa direksyon ng San Jose at Batangas City.

Ayon sa driver ng van, patungo sila sa trabaho ng kaniyang amo sa Lipa City mula Cavite.

Nagmenor umano siya dahil bababa sana ang amo para mag-withdraw sa ATM na nasa kabilang bahagi ng J.P. Laurel Highway.

Hindi raw niya pinansin ang pagtabi sa kanila ng motorsiklo na biglang nagpaputok sa kanila ng 5 beses.

Inakala umano ng gunmen na nasa likod ng van ang kanyang amo kaya ang likurang bahagi ng sasakyan ang pinuntriya ng mga nito.

Ilan sa tinitingnan na motibo sa pamamaril ay personal na alitan at pagiging kontraktor ng biktima sa ilang proyekto sa Cavite at Batangas.

Patuloy ang pagtugis sa mga salaring nakasuot ng itim na leather jacket at helmet.

--Ulat ni Jonathan Vega Magistrado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.