Mass vaccination kontra polio umaandar na sa iba't ibang panig ng bansa

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2019 08:11 PM | Updated as of Oct 14 2019 09:20 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dumagsa ang mga magulang sa pamamahagi ng libreng bakuna kontra polio ng mga lokal na pamahalaan at Department of Health sa iba't ibang panig ng bansa.

Parte ito ng kanilang hakbang para masigurong di na kumalat ang sakit na polio, na bumalik sa bansa matapos ang halos dalawang dekada. 

Sa Barangay Commonwealth sa Quezon City, nagpabakuna pa rin ang ilang bata kumpleto para masiguradong hindi nila makuha ang sakit. 

Kabilang dito si Shiela Mae Perlos, na pinabakunahan ang 1 taong gulang na anak. 

"Payag naman po ako kasi para naman sa kalusugan niya," ani Perlos. 

Nagkaroon din ng maramihang pagbabakuna sa ilang barangay gaya ng Batasan at Holy Spirit sa Quezon City, Sampaloc sa Maynila at Valenzuela. 

Target ng Department of Health na mabakunahan ang halos 300,000 bata sa Quezon City at higit 1.2 milyon sa Metro Manila. 

Nagbukas din ng polio vaccination centers ang DOH sa mga barangay hall, ospital, at health centers. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, tutok din ang DOH sa pagpapabakuna sa Marawi City, Lanao Del Sur. Sa probinsiya ng Lanao Del Sur naitala ang unang kaso ng polio sa bansa matapos ang isang dekada. 

Umandar na rin ang door-to-door na pagpapabakuna sa Davao City. 

Ayon kay Saffrullah Dipatuan, health minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), tututukan nila ang paghahatid at pamamahagi ng bakuna sa rehiyon. 

Nilagyan ng indelible ink ang mga napatakan ng bakuna sa Marawi City Hall para matukoy ang mga kailangan pang bakunahan. 

Gagawin ang libreng pagbabakuna hanggang Oktubre 27. -- Ulat nina Apples Jalandoni at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.